Hindi maitatanggi na kahit papaano ang mga programa at proyekto na naisagawa ng mga dating administrasyon ay nakatulong sa pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Subalit ako ay malungkot at nadidismaya dahil sa kabila ng mga programa at proyekto, sa tingin ko’y hindi naging sapat ang mga ito upang tugunan ang hinanaing at pangangailangan ng karamihan sa ating mga kababayan, lalong lalo na ang mga nasa marginalized na sektor ng ating lipunan, at ang ating mga mangingisda, magsasaka at iba pang mga lokal na manggagawa sa ating bansa. Ilan sa mga batas na pinirmahan sa ilalim ng pamumuno ng mga dating administrasyon ay ang RA 7607 na layuning maibigay ang pantay na benepisyo, karapatan, kaligtasan, at oportunidad para sa mga maliliit na magsasaka. Isa rin sa mga programang makatutulong sa ating mga magsasaka at mangingisda ang NAFMP o ang The National Agri-Fishery Mechanization Program, ito ay naglalayong isulong ang pag-unlad ng mekanisasyon ng agrikultura at pangingisda sa bansa at dahil dito mapapadali ang trabaho, at magiging maginhawa rin ang pamumuhay ng ating mga mangingisda at ang kanilang produkto mas iimprove ang teknolohiya o machineries na kailangan. Sa kasalukuyang administrasyon naman, hindi ako nagalakan dahil base sa mga balitang napanood at nabasa ko, pinayagan ng administrasyon ang Tsina na makapangisda sa teritoryo ng Pilipinas. Naging mapanganib ito para sa mga kababayan nating nasa laot dahil may balita rin na sila mismo ang nababastos o naagrabyado ng mga Tsino sa loob mismo ng sarili nating karagatan. Hindi rin ganoong naging episyento o epektibo ang pamamahal sa agrikultura natin ngayong panahon ng pandemya dahil hindi rin napangasiwaan ng mabuti ang pondong dapat ilaan sa iba’t ibang sektor. Kaya sa aking palagay, may mga programa, proyekto, at batas man, hindi pa rin napoprotektahan ang karapatan ng ating mga agricultural or land workers. Bukod dito, hindi pa rin ito sapat para solusyunan ang kinakaharap nating mga suliranin sa agrikultura. Kaya sa darating na eleksyon, nawa’y maging mausisa o mapanuri tayo sa mga kandidato, at bumoto tayo ayon sa mga katotohanan, kanilang karakter, mga plano at nagawa na para sa bansa. Naniniwala ako na sa tapat mahusay na lider, mas uunlad at mapapamahalaan ng maayos ang yaman at agrikultura ng ating bansa.